22/05/2026
Sinakop pati bundok?
Resort sa Infanta, ipinasara
Iniutos ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na itigil na ang operasyon ng isang resort sa Infanta, Quezon dahil sa umano’y pagtatayo ng mga istruktura sa loob ng protected national park, wildlife sanctuary, and game preserve.
Ayon sa ulat na inilabas nitong Miyerkules, May 20, nagsagawa ng aksyon ang tanggapang panrehiyon ng DENR IV-A kung saan ang mga tauhan mula sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng kalapit na bayan ng Real, kasama ang mga kawani ng pulisya at militar, ay naghatid at nagpatupad ng Cease and Desist Order (CDO) laban sa nasabing resort na hindi binanggit ang pangalan.
Nakasaad sa utos na nilabag ng nasabing establisyimento ang mga probisyon ng Republic Act No. 7586 o ang National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992, na sinusog naman ng Batas Republika Blg. 11038 o ang Expanded National Integrated Protected Areas System (ENIPAS) Act of 2018.
Layon ng mga batas na ito na pangalagaan at protektahan ang mga tiyak na lugar na itinuturing na mahalaga sa kalikasan at tirahan ng iba’t ibang uri ng hayop at halaman.
(Anna Gob/Larawan mula sa DENR Calabarzon)