22/05/2026
Bataan magkakaroon na ng Swedish electric boat?
NI MAR T SUPNAD
5/22
Isang Sweden-based company ang posibleng maglalagay ng hi-tech na electric marine transportation sa lalawigan ng Bataan na bibiyaheng Metro Manila.
Ang maganda ba balitang ito ay ipinahayag ni Jopet Inton, Presidente at CEO ng
Bataan Baseco Joint Venture, Inc. (BBJVI), matapos magkaroon ng pulong noong Huwebes sina Swedish national Björn Antonsson, Regional CEO Asia-Pacific (APAC) ng Candela kasama si Mr. Goody Ilagan Jr., President and CEO of Earth and Shore Leisure Communities Corp at Cong. Abet Garcia, 2nd district ng Bataan.
Ang Earth and Shore Leisure Communities Corp. ang siyang developer ng sikat at class na Camaya Coast resort and hotel sa Mariveles.
Ang BBJVI naman ang siyang nagma manage ng sa malawakang 300-hectare property sa Freeport Area of Bataan (AFAB) sa Mariveles.
"Nakipagpulong po tayo sa kinatawan ng Candela sa pangunguna ni Swedish national Mr. Björn Antonsson, Regional CEO Asia-Pacific (APAC) ng Candela kasama rin si Mr. Goody Ilagan Jr., President and CEO of Earth and Shore Leisure Communities Corp at Cong. Abet Garcia, upang talakayin ang mga makabagong teknolohiya sa larangan ng electric marine transportation at ang mga posibleng oportunidad nito para sa ating lalawigan," pahayag ni BBJVI Pres. Inton.
Ayon kay Inton, ang Candela ay isang Swedish electric boat company na kilala sa paggawa ng mga hydrofoiling electric boats at ferries.
Sa pamamagitan ng kanilang advanced hydrofoil technology, ani Inton, nababawasan ng hanggang 80% ang konsumo sa enerhiya habang nagbibigay ng mas mabilis, mas tahimik, at zero-emission na biyahe sa dagat.
Dagdag pa ni Inton: "Ilan po sa mga tinalakay sa pulong ay ang kanilang P-12 Shuttle, na kinikilala bilang kauna-unahang electric commuter vessel sa buong mundo, gayundin ang C-8 model na may isa sa pinakamahabang range at pinakamabilis na cruising speed sa mga electric boats na kasalukuyang nasa serial production."
"Mahalaga po ang patuloy nating pag-aaral at pag-eexplore ng mga makabagong teknolohiya at modernong sistema ng transportasyon tulad nito upang makatulong sa pagpapalago ng turismo, pagpapalakas ng konektibidad, at pagsusulong ng sustainable development sa ating lalawigan," ani Inton na matagal na naging Mayor ng Hermosa, Bataan.
--