15/11/2025
TAUMBAYAN GALIT NA RAW SA KASINUNGALINGAN NI ZALDY CO — AYON KAY USEC CLAIRE CASTRO
Sumagot ang Malacañang sa sunod-sunod na akusasyon ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.: nagagalit na raw ang publiko sa umano’y kasinungalingang ipinakakalat ni Co.
Sa isang press briefing, mariing sinabi ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na hindi raw naniniwala ang taumbayan sa mga paratang ni Co at mas lalo lamang itong nagdudulot ng inis at galit.
“Mas magagalit ang mga tao kay Zaldy Co dahil sa kanyang pagsisinungaling.”
Ayon kay Castro, malinaw umano na ang mga akusasyong ibinabato ni Co laban sa Pangulo ay “walang basehan at walang ebidensiya,” lalo na’t patuloy na umiiwas itong bumalik sa Pilipinas para harapin ang imbestigasyon. Binanggit niyang hindi dapat magpadala ang publiko sa mga video o audio clips na hindi pa nabe-verify, at tinawag niyang “deliberate misinformation” ang mga pahayag ng dating kongresista.
Dagdag pa ng Malacañang, kung talagang may hawak na recibo at ebidensiya si Co, mas mainam daw na umuwi siya at patunayan ang kanyang mga paratang sa wastong forum, hindi sa social media.
Sa gitna ng sigalot, tila sumasabay ang galit at pagdududa ng publiko—pero ayon sa Palasyo, ang galit ay hindi kay Marcos Jr., kundi kay Zaldy Co mismo.